Advertisements

EXCLUSIVE: VITALIANO AGUIRRE’S RESIGNATION LETTER

6 04 2018

AguiirePDI

April 5, 2018

HIS EXCELLENCY RODRIGO ROA DUTERTE
President, Republic of the Philippines
Malacañan Palace, Manila

Dear Mr. President,

Una kong narinig noong Linggo ng Pagkabuhay ang balitang balak mo akong sibakin sa puwesto. Aaminin ko, ikinagulat ko ito. Kaagad kong tinanong si Bong Go kung totoo ang balita ngunit sinabi naman niyang walang siyang alam tungkol dito. Umasa akong ito ay tsismis lamang. Sa katunayan, nag-participate pa ako sa Easter Egg Hunt kasama ang aking mga apo. Wala akong nakitang Easter egg. Kinabahan ako. Masamang pangitain yata ito. Nanatiling positibo ang aking pananaw.

Ngunit noong Miyerkules, ibinalita ng Philippine Star ang diumano’y nakaambang pagsipa mo sa akin bilang kalihim ng Department of Justice. Sa loob-loob ko, baka nga totoo. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Tumayo lahat ng buhok sa aking katawan. (Hindi pala lahat.)

Kinagabihan, nagsimba ako at pormal na humingi ng sign kay Lord.

“Panginoon, dapat ko bang unahan ang pagpapatalsik sa akin? Give me a sign, Lord.”

Pagkasabi ko nito, biglang tumunog ang cellphone ng aking katabi. Ang ring tone: ‘Hayaan Mo Sila’ ng Ex Battalion. Napaindak ako Mr. President. Hindi mo naitatanong, ito ang lagi kong pinakikinggan sa Spotify. Ito na nga siguro ang sign na hinihintay ko.

Labag man sa aking kalooban, nagpasya akong sulatin ang resignation letter na ito. Mas masakit kasi kung mababasa ko pa sa Inquirer at Rappler ang headline na, “Duterte sacks Aguirre.” Ayaw ko silang bigyan ng dahilan upang magsaya.

With this letter, I hereby respectfully tender my resignation, Mr. President. Ngunit bago ko tuluyang iwan ang tanggapang aking pinaglingkuran, nais kong isa-isahin ang aking mga nagawa sa nakalipas na isang taon at walong buwan:

Naipakulong ko si Sen. Leila De Lima kahit walang ebidensya. Ako lang ang makakagawa nito.

Ibinasura ko ang kaso laban kina Peter Lim, Peter Co, Kerwin Espinosa (na umaming drug lord pero feeling ko nagbibiro lang talaga), at iba pang high-profile drug personalities. Bakit ba? Ipinapatupad ko lang ang batas. ‘Pag walang ebidensya, ibasura! (Siyempre, exception to the rule ‘yong kay De Lima. Tama ba ako, Mr. President?)

Ang utak sa pork barrel scam na si Janet Lim Napoles, tinanggap natin sa Witness Protection Program ng pamahalaan. Ganyan kabait ang ating gobyerno. Hindi lang biktima at saksi ang tinutulungan kundi pati mga kawatan!

Dalawang tauhan ko sa Bureau of Immigration ang kinasuhan ng plunder dahil sa pang-e-extort sa negosyanteng si Jack Lam. Muntik na akong madawit dito pero nalusutan ko ang isyu. Hindi ba achievement ito?

Ang kasong murder laban kay Supt. Marvin Marcos na inakusang pumaslang kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at sa mga tauhan nito, naibaba natin sa homicide. Wala akong pakialam sa findings ng NBI na rubout ang nangyari. Pulis o drug suspects: kanino ba talaga kayo kampi?

Sa kaso ng 6.4 billion-peso shabu shipment na nasabat ng mga awtoridad, isa lang ang nakasuhan: si Mark Taguba. Sa aking mga kritiko, ‘wag na kayong makuda. Ano bang gusto n’yo: may nakasuhan o wala?

Mr. President, bawat isa sa mga nagawa kong ito ay inayunan mo.

Bawat isa sa mga ito ay wala kang naging reklamo — kaya’t labis ang pagtataka ko kung bakit gusto mo pa akong sibakin sa puwesto.

Kulang pa ba? Nasaan ang hustisya?

Nagtatanong lang. ‘Wag ka sanang magagalit.

Sakali mang tanggapin mo ang pagbibitiw kong ito, nais kong ipaalam sa ‘yo na handa pa rin akong maglingkod sa gobyerno. Paalala lang po, malapit nang magretiro si Ombudsman Conchita Carpio Morales. Alam po n’yo ang number ko. Bahala na kayo. [Pwede nga rin pala ako sa Senado. Kumpleto na ba ang slate n’yo?]

Good luck mahal na Pangulo! Thank you very much.

I remain,

Your fraternity brother,

VITALIANO N. AGUIRRE II

—————————————————————————————————————————————
“Without character, there is no credibility; and without credibility, there is no trust.”
~Warren G. Bennis

[Photo: Inquirer.net]

Advertisements







%d bloggers like this: