Matagal na panahon na rin mula nang ako ay humarap sa inyo. Ilang buwan rin akong nanahimik sa pag-aakalang kusang hihinto ang mga atake laban sa akin. Ngunit ako ay nagkamali.
Walang tigil ang kritisismo, panlilibak, at kadalasan ay personal na mga banat sa akin. Sobra na ang pang-aapi ng administrasyong ito at ako ay labis na nababahala.
Marapat lamang na aking ihayag ang tunay kong damdamin. Tapos na ang pagiging Carmina Villaroel ko. Oras na para ilabas ang aking inner KC Concepcion.
Unang-una, gusto kong kundenahin ang pangungutya ng palasyo sa aking mga abogado. Pati ang walang malay na maselang bahagi ng katawan ni Atty. Ferdinand Topacio ay kanilang pinagdiskitahan sa pagtatangkang ipahiya ako sa publiko. Bago n’yo pag-initan ang itlog ni Topacio, bakit hindi n’yo muna tanungin ang inyong amo: may silbi pa ba ang itlog mo?
Wala rin silang karapatang kwestyunin ang kakayahan ng aking tagapagsalita. Si Elena Bautista-Horn ay hindi lamang tapat, masipag, at dedicated na spokesperson. Siya rin ang tumatayong head ng ISAFP o Intelligence Service of the Arroyo Family in the Philippines. Sa katunayan, siya ang nakatuklas sa “Oplan: Put the Little Girl to Sleep” – ang balak na paglikida sa akin.
Ako ay naniniwalang ang maitim na hangarin ng administrasyong ito ang tunay na dahilan kung bakit pilit nila akong pinapalipat sa Veterans Memorial Medical Center. Ano ako? Action star? Plunderer? Alam ng aking mga kritiko na hindi ako sanay sa mumurahing pagamutan. Sa paglalagay sa akin sa ospital na pinapatakbo ng gobyerno, unti-unti na rin nila akong pinapatay. “Oplan: Put the Little Girl to Sleep” – tama si Elena Horn.
Gusto ko ring manawagan sa mga taong patuloy na nagdududa sa integridad ng Kataas-taasang Hukuman. Walang basehan ang paratang na CoronArroyo. Tapos na ang eleksyon. Kumita na ang Villaroyo. Huwag n’yong pulitikahin ang Korte Suprema. Kapag hindi kayo tumigil sa inyong paninira, baka ibunyag ko ang sabwatang SereNoynoy. Binabalaan ko kayo.
Humihingi ako ng dispensa sa aking mga doctor lalo na kay Dr. Juliet Gopez-Cervantes. Maging kayo ay binabatikos dahil sa akin gayong ginagawa n’yo lang naman ang inyong trabaho. Ayaw kong magkahiwa-hiwalay tayo kaya please lang, maliban sa colitis, humanap pa kayo ng mali sa aking katawan. Wala akong pakialam kung dermatitis, conjunctivitis, otitis o kahit, buntis pa ‘yan, ang mahalaga ay tumagal pa ang ating pagsasama dito sa St. Luke’s.
Sa pagkakataong ito, ako ay humihingi ng tulong sa aking mga kababayang patuloy ang pagtitiwala sa akin. Sa darating na lingo ay magpapasya ang ubod ng bilis na si Judge Jesus Mupas kung ano ang nararapat sa akin. Napag-alaman kong may text component pala ang kanyang gagawing pagpapasya. Ang tanong:
Ano ang gusto n’yo para kay dating Pangulong Arroyo:
A: House arrest
B: Hospital arrest
C: Detention Cell
D: Wala akong pakialam. Mas interesado ako sa scripted interview kay Piolo Pascual sa ‘The Buzz’ sa darating na Linggo
Just key in ARROYO (space) A: House arrest and send to 2462 (CGMA) for all networks. Ayon sa NTC, 80 centavos na lang per text ngayon kaya kung maaari ay itodo n’yo na ang pagboto. Lahat ng taong magti-text ng “A: House arrest” ay awtomatikong kasali sa isang pre-Christmas raffle kung saan mamimigay ng MP3 at 2GB Flash Drives sina Dato, Luli, at Mikey. Si Attorney Mike naman ay naghanda rin ng loot bags mula sa kanyang na-loot noong nasa puwesto pa ako bilang pangulo. Kaya ano pang hinihintay n’yo? Text na!
Sa huli, gusto kong magparating ng maigsi at simpleng mensahe sa nakaupong pangulo at sa mapaghiganteng administrasyong ito:
Walang corrupt?!
Walang mahirap?!
O walang accomplishments?
Manyampukaki ing lugod mi kekayu!
Maligayang Pasko sa inyong lahat at nawa’y lagi n’yong tatandaan ang pangaral ng aking ama, si Ka Dadong:
“Just do what ish right, do what ish best, and your battery of lawyersh will take care of the rest.”
———————————————————————————-
“Health is a state of complete physical, mental and social well-being, and not merely the absence of disease or infirmity.”
~World Health Organization, 1948
Have a great weekend! Merry Christmas!
Share this on Facebook and Twitter:
I am on Twitter: @HecklerForever.